Ikinukunsidera ng Department of Education (DepEd) ang pagsasagawa ng online graduation rites sa ilang mga eskuwelahan na apektado ng enhanced community quarantine (ECQ) dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ayon kay Education Undersecretary Nepomuceno Malaluan, posibleng aprubahan ng DepEd ang hiling ng ilang mga paaralan na makapagsagawa ng online graduation rites.
Paliwanag ni Malaluan, sa ganitong paraan ng graduation ay hindi naman kinakailangan ang pagtitipon-tipon ng maraming tao sa iisang lugar at hindi rin makalalabag sa umiiral na enhanced community quarantine.
Unang itinakda ang graduation rites ng mga eskuwelahan mula April 13 hanggang 17 pero muli itong sinuspendi dahil sa pinalawig na ECQ hanggang katapusan ng Abril.