Pinakikilos na ng PNP ang Anti-Cybercrime Group (ACG) nito para imbestigahan ang online kopyahan ng mga estudyante sa ilalim ng distance learning.
Ayon kay PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar, kaniya nang inatasan ang ACG na makipag-ugnayan sa Department of Education o deped hinggil sa bagay na ito.
Sinabi ni Eleazar na gagawin nila ang lahat para matukoy kung sino ang nasa likod ng online kopyahan gamit ang Facebook at iba pang social media accounts.
Mababatid na sa naturang estilo, nagpapalitan ng sagot ang mga estudyante sa kanilang mga pagsusulit.
Una rito, nanindigan si Education Secretary Leonor Briones na hindi nila kukonsintihin ang anumang uri ng pandaraya sa hanay ng mga mag-aaral.
Samantala, bukod sa PNP pumasok na rin sa imbestigasyon hinggil dito ang National Bureau of Investigation (NBI). —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)