Hinimok ng isang samahan ng mga pribadong paaralan ang gobyerno na pondohan ang online at distance education sa pampubliko at pampribadong mga paaralan sa gitna na rin ng mga agam-agam sa pagbubukas ng klase dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ayon sa Coordinating Council of Private Educational Association (COCOPEA), isang essential activity ang edukasyon na dapat magpatuloy kayat kinakailangan nito ang suporta ng gobyerno matapos ding labis na maapektuhan ng global health crisis.
Sinabi ng COCOPEA na malaki ang matitipid ng gobyerno sa pagpo-pondo sa online at distance education ng mga estudyante kaysa pagbibigay ng cash assistance sa mga apektadong empleyado.
Umapela ang COCOPEA sa Pangulong Rodrigo Duterte na payagan ang experts na ituluy-tuloy ang pagde-develop ng modes o mga paraan para magpatuloy din ang edukasyon nang hindi bumabalik ng pisikal sa eskuwelahan ang mga estudyante sa gitna na rin nang pagtutulung-tulong ng lahat para maibalik ang tiwala sa walang tigil na pag aaral sa gitna ng pandemic.
Makakadagdag lamang anito sa pressure sa healthcare systems sa maikling panahon ang pansamantalang suspensyon ng pagbubukas ng klase hanggat walang bakuna kontra COVID-19 tulad nang paninindigan ng Pangulong Duterte.