Inilunsad ng Marikina City LGU ang isang online medical consultation para sa mga katanungan hinggil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Marikina City Mayor Marcelino Teodoro, sa pamamagitan ng messenger application na VSee, maaaring magpakonsulta online ang mga residente ng lungsod sa mga doktor na nakatalaga sa kanilang City Health Office.
Paliwanag ni Teodoro, sa ganitong paraan aniya ay mapangangalagaan hindi lamang ang mga indibiduwal na nagpakonsulta online at nakararamdam ng sakit kundi maging ang buong komunidad.
Aniya, sakaling isang suspected COVID-19 case na ang nagpakonsulta online, pupuntahan na ito ng kanilang itinalagang ambulansya at medical personnels.
Sinabi ni Teodoro, bukas ang online medical consultation mula 8 a.m. hanggang 12 n.n. at 1 p.m. hanggang 5 p.m., Lunes hanggang Biyernes.