Naghain na ng kanilang apela sa Court of Appeals ang online news site na Rappler na binawian ng Certificate of Incorporation ng Securities and Exchange Commission.
Sa 63 na pahinang petition for review, hiniling ng Rappler Holdings Corporation na ipawalang bisa ng C.A. ang kautusan ng S.E.C. En Banc na i-revoke ang kanilang Certificate of Incorporation.
Hindi naman humingi ng T.R.O. ang Rappler dahil wala naman sa naging pasya ng S.E.C. na pinal na silang ipinasasara at maaari pa nila itong i-apela sa Appeallate Court.
Magugunitang binawi ng ahensya ang binigay nitong Certificate of Incorporation sa Rappler makaraang mapatunayan na nilabag ng nabanggit na online news site ang isinasaad ng Article 16, Section 11 ng Konstitusyon.
Nakasaad dito na ang mass media sa bansa ay dapat isandaang porsyentong pag-aari ng Filipino na taliwas naman sa Rappler dahil binigyan nito ng karapatan ang isa sa kanilang foreign investor na Omidyar Network na makialam sa operasyon ng news site.
Samantala, bilang reaksyon ay sinabihan ng Malakanyang ang Rappler ng ‘goodluck’ at iginiit na maaari nilang gamitin ang lahat ng ligal na paraan upang ipawalang bisa ang kautusan ng S.E.C.