Kinakailangan nang magrehistro ng mga miyembro ng Social Security Sytem (SSS) sa online website ng ahensiya kung mag-aapply para sa salary loan.
Batay ito sa ipinalabas na real-time process of loans quick reference guide ng SSS noong Nobyembre 6.
Ayon sa ahensiya, simula noong Nobyembre 11, kinakailangan nang mag-register ng isang miyembro sa kanilang website na www.sss.gov.ph at saka magpa-file para sa salary loan.
Sakali naman anilang walang access sa internet, kinakailangang magtungo ng miyembro sa pinakamalapit na branch ng SSS para makapag-register at makapag-apply ng loan sa e-center facility nito.
Samantala, ang mga calamity, emergency, at education assistance loans ay kinakailangang i-file sa mga branch ng SSS para sa pagbibigay ng mga documentary requirements.