Pinag-aaralan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pagpaparehistro ng lahat ng online sellers pagkatapos ng krisis bunsod ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Trade undersecretary Ruth Castelo nais nilang magparehistro na ang lahat ng online sellers maging ito man ay individual seller o corporation.
Paliwanag ni Castelo, ito ay para alam ng enforcers ng DTI Fair Trade Enforcement Bureau kung sino ang hahanapin sakaling may reklamo sa isang produktong nabili online.
Batay kasi umano sa Consumer Price Act, walang pagkakaiba ang mga produktong ibinebenta online o sa personal man.
Kaugnay nito, bumubuo na ang ahensya ng mga patakaran para ma-monitor ng mabuti ang mga nagbebenta online kung sumusunod ba ang mga ito sa batas.