Pumasok na rin ang Bureau of Jail Management and Penology – Sorsogon sa online selling upang matulungan ang mga bilanggong makabenta ng kanilang gawang produkto.
Ilan sa mga ibinebenta ng mga preso sa facebook page ng BJMP–Sorsogon ang mga native product, wallet na gawa sa beads, baskets, tissue holder at face mask na kanilang mga ginagawa.
Dahil ilang dalawang buwan na lamang bago mag-pasko, gumagawa na rin sila ng mga parol na may iba’t-ibang hugis at kulay.
Ayon kay Inspector Rodolfo Verzosa, jail warden ng BJMP- Sorsogon, hindi na sila nagdalawang isip na pasukin ang online selling para tulungan ang mga nakakulong.
Naapektuhan anya ng pandemya ang kanilang pagbebenta kaya’t pinasok na rin nila ang online selling.
Mabibili ang mga nasabing produkto sa presyong 40 hanggang 950 pesos hindi pa kasama ang delivery fee habang karamihan sa kanilang customer ay mula pa sa Bulacan, Eastern Visayas, Masbate at Metro Manila. — Sa panulat ni Drew Nacino