Ikinababahala ng isang senador ang napaulat na online sexual abuse at exploitation sa hanay ng mga bata o menor de edad.
Ginawa ni Sen. Sherwin Gatchalian ang pahayag matapos mapaulat na may mga estudyante nang nagbebenta ng kanilang malalaswang larawan at videos online upang makabili ng gadgets at makabayad ng internet bill.
Binanggit ni Gatchalian ang isang post sa Philippine Online Student Tambayan (POST) kung saan sinasabing gumagamit ang ilang estudyante ng #AlterPH, #AlterPinay, at #AlterPhilippines sa Twitter para sa mga transaksiyon.
May tinatawag din aniyang “Christmas bundle” na naglalaman ng iba’t ibang larawan at videos na kung minsan ay nakikita pa ang mukha ng estudyante at ibinebenta sa halagang ng P150.00.
Batay sa datos, mula Marso hanggang Mayo 24, 2020 ay higit 279,000 cases ng online sexual exploitation of children (OSEC) ang naitala sa Metro Manila o katumbas ng 264% na pagtaas mula sa higit 76,561 cases sa katulad na panahon noong 2019.