Tiniyak ng Administrasyong Marcos na tututukan ang online sexual exploitation sa mga kabataan sa bansa.
Ito ay matapos mapag-alaman ng ilang miyembro ng gabinete na nangunguna ang Pilipinas pagdating sa child pornography maging sa child trafficking sa buong mundo.
Nabatid na halos lahat ng probinsya sa bansa ay nakitaan ng video ng panghahalay sa mga kabataan o menor de edad para pagkakitaan.
Ayon kay Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla, ang naturang mga video ay ibinibenta umano sa mga dayuhan kung saan, simula taong 2016 hanggang ngayong taon, pumalo na sa mahigit isangdaang kaso ng child pornography na naitala ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Sa pahayag ng DILG, sa nasabing bilang, 67 ang naisampang kaso; 2 ang tumangging magsampa ng kaso; 33 ang patuloy na iniimbestigahan; habang tatlo naman ang case closed o naisara.
Samantala, kumpiyansa naman si DSWD Secretary Erwin Tulfo na nangunguna sa mga dahilan kung bakit dumadami ang kaso ng child pornography sa bansa ay dahil narin mismo sa kanilang mga magulang na kumukuha ng video sa kanilang mga anak para kumita ng malaking halaga ng pera.
Naniniwala naman ang mga opisyal na mas lumala pa ang naturang mga kaso nang magsimula ang lockdown sa bansa dahil sa covid-19 pandemic.