Bukas ang Office of the Presidential Adviser on Peace Process o OPAPP na tumulong sa mga senador.
Ito’y sa sandaling isalang na sa deliberasyon ang substitute Bangsamoro Bill na iniakda ni Senador Bongbong Marcos Jr.
Ayon kay OPAPP Secretary Teresita Ging Delez, inaasahan na nilang daraan sa pagbusisi ang nasabing panukala sa plenaryo base na rin sa mga reservation na inilagay ng mga lumagdang senador dito.
Kasunod nito, umaasa si Deles na makapagpapasa ng makabuluhang BBL upang ganap nang matamo ang pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao sa ilalim ng iisang Saligang Batas.
MILF
Kumpiyansa naman ang Moro Islamic Liberation Front o MILF na mabilis uusad sa deliberasyon ng Senado ang BBL at makaaabot ito sa itinakdang deadline sa Oktubre.
Sa ipinalabas na pahayag ng MILF, may sapat nang oras ang kongreso para isabatas ang BBL at ang tanging nakikita nilang magpapatagal dito ay ang panahon ng transition.
Tahasan ding sinabi ng MILF na maipapasa ang BBL at maitatatag ang Bangsamoro Government sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Benigno Aquino III na siyang nangako para rito.
Iginiit din ng MILF na kung ang malabnaw na BBL ang ipapasa ng kongreso, hindi nito masasagot ang mga tanong ng Bangsamoro bagkus, wala rin itong ipagkakaiba sa kasalukuyang estado.
By Jaymark Dagala