Nais ng pamahalaan na bigyang daan ang ikinasang all-out war ng Armed Forces of the Philippines o AFP laban sa New People’s Army o NPA.
Ito ay ayon sa Communist Party of the Philippines o CPP, ang tunay na dahilan ng biglang pagkansela sa nakatakda sanang pagbabalik ng usapang pangkapayapaan sa Hunyo 28.
Sa ipinalabas na pahayag ng CPP, sinabi ng grupo na nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na bigyan ng mas mahabang panahon ang militar na makumpleto ang kampanya nito laban sa mga rebelde.
Dagdag pa ng komunistang grupo, nagpaplano rin ang militar ng mas malaki at malawak na opensiba kontra NPA sa ilalim ng ikinasa nitong Oplan Kapayapaan.
Iginiit pa ng CPP, nagsimula na rin aniya ang nasabing opensiba ng militar kung saan bahagi nito ang nasa limang libong (5,000) bagong recruit na sundalo at pagdadagdag pa ng mahigit sampung libong (10,000) tropa bago matapos ang taon.
Public consultation
Nakatakdang maglunsad ng public consultation ang Office of the Presidential Adviser on the Peace Process kasunod ng pasya ng pamahalaan na pansamantalang ipagpaliban ang nakatakda sanang pagbabalik ng peace talks.
Ito ay upang mailatag at mahingi ang opinyon ng publiko hinggil sa katatapos lamang na serye ng back channel talks sa pagitan ng pamahalaan at CPP-NPA-NDF sa The Netherlands.
Ayon kay Presidential Peace Adviser Jesus Dureza, isa sa mga dahilan ng pagkabigo ng mga nakaraang usapang pangkapayapaan ay ang kawalan ng suporta mula sa publiko.
Dagdag pa ni Dureza, nais lamang nilang maprotektahan ang mga napakasunduan na ng dalawang panig sa naganap na back channel talks.
Plano namang imbitahan ng pamahalaan sa nasabing public consultations ang ilang nakilahok sa serye ng back channel talks mula sa magkabilang panig at iba’t ibang sektor tulad ng regional peace councils, religious groups at grupo ng mga kabataan.
—-