Mahigpit na binabantayan ng Philippine National Police o PNP ang iba’t ibang Private Armed Group o PAGs gayundin ang galaw ng mga rebelde.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Dionardo Carlos, kaniya nang inatasan ang lahat ng kanilang Regional at Provincial Commander sa buong bansa na magkasa ng accounting at profiling sa mga miyembro ng mga nabanggit na grupo.
Ngayong papalapit na aniya kasi ang eleksyon kaya asahan nang tataas na naman ang mga pag-atake sa mga pulitiko lalo na sa lokal na lebel kung saan ay madugo ang laro ng pulitika.
Una rito, pinalakas na ng PNP ang kanilang mga ginagawang hakbang kontra loose firearams at isailalim sa imbestigasyon ang sinumang mga nag-iingat ng iligal na armas.
Nanawagan naman si Carlos sa publiko na tulungan ang mga awtoridad sa pagsugpo sa karahasan upang maabot ang iisang layunin na maging ligtas at mapayapa ang darating na halalan.