Kapwa ititigil ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang kanilang opensiba laban sa mga komunistang grupo.
Kasunod ito ng pagdedeklara ng unilateral at reciprocal ceasefire ng pamahalaan at Communist Party of the Philippines-National Democratic Front (CPP-NDF) ngayong kapaskuhan.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, agad nagpatupad ng Suspension of Military Operations (SOMO) ang AFP bilang pagsunod sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Gayunman, mananatili pa rin aniyang naka-alerto at nakahanda ang militar sa mga posibleng maging banta sa seguridad at kaligtasan ng mga komunidad sa buong bansa.
Sa panig naman ng pambansang pulisya sinabi ni PNP Spokesperson Brig. General Bernard Banac na kagabi pa naglabas ng memorandum hinggil sa suspension of police operations si PNP OIC Lt. General Archie Gamboa.
Magugunitang kapwa tinutulan ng militar at pulisya ang pagdedeklara ng tigil-putukan dahil ginagamit lamang anila ito ng mga rebelde upang ubusin ang tropa ng pamahalaan at makapagpalakas ng puwersa. —ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)