Magpapatuloy ang opensiba ng tropa ng militar laban sa Abu Sayyaf Group (ASG) sa kabila ng pagpapalaya sa apat na mga bihag nito.
Sinabi ni Col. Edgard Arevalo, Chief ng AFP Public Affairs Office, na ipagpapatuloy nila ang operasyon laban sa ASG para puwersahin na palayain ang iba pang mga bihag nito.
Sinabi naman sa isang panayam ni AFP Spokesperson Col. Restituto Padilla na hawak pa ng Abu Sayyaf ang 20 mga bihag.
Matatandaang pinalaya ng ASG noong Sabado ang apat na bihag nito kabilang ang Norwegian hostage na si Kjartan Sekkingstad at 3 pang Indonesian.
Indonesian hostages
Nanindigan ang mga Indonesian officials na walang ‘ransom’ na ibinayad sa Abu Sayyaf Group kapalit ng kalayaan ng 3 kababayan nito na dinukot noong Hulyo sa Lahad Datu, Malaysia.
Ayon kay Indonesian Defense Minister Ryamizard Ryacudu, iginagalang nila ang ipinatutupad na ‘no-ransom policy’ ng kanilang pamahalaan pagdating sa mga kidnapping case.
Matatandaang nagtungo mismo si Ryacudu sa Zamboanga City para personal na tanggapin ang mga Indonesian hostages na sina Lorence Koten, Teodorus Kopong at isang “Emmanuel.”
Nagpasalamat naman si Ryacudu sa Armed Forces of the philippines o AFP bunsod ng pinatitinding opensiba nito laban sa ASG sa Sulu sa pamamagitan ng pagde-deploy ng 10,000 dagdag na tropa.
MNLF
Malaki ang naging papel ng Moro National Liberation Front o MNLF sa pangunguna ni Founding Chairman Nur Misuari sa matagumpay na pagpapalaya sa 3 Indonesians.
Ayon kay Western Mindanao Command Chief Major General Mayoralgo Dela Cruz, maliban ito sa isinasagawa nilang military operations laban sa mga bandido sa Sulu.
Giit ni Dela Cruz, ang MNLF ang nanguna sa negosasyon kaya’t nakumbinsi ang Abu Sayyaf na palayain ang mga naturang bihag.
Muli ring nilinaw ng military official na walang ‘ransom’ na ibinayad kapalit ng kalayaan ng tatlong Indonesians na sina Lorence Koten, Teodorus Kopong at isang “Emmanuel.”
By Mariboy Ysibido | Jelbert Perdez