Nanindigan ang AFP o Armed Forces of the Philippines na magpapatuloy pa rin ang mga opensiba ng militar laban sa mga rebeldeng NPA o New People’s Army.
Ito’y sa kabila ng kumpirmasyon ni Presidential Peace Adviser Jesus Dureza hinggil sa muling pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan at pagbabalik sa idineklarang unilateral ceasefire.
Ayon kay AFP Chief of Staff Gen. Eduardo Año, bagama’t welcome development para sa kanila ang pagpapatuloy ng peace talks, wala pang direktibang ibinibigay sa kanila ang Pangulong Rodrigo Duterte bilang commander in chief.
Kasunod nito, umaasa naman si Government Peace Panel Chief at Labor Secretary Silvestre Bello III na lalagda ang Partido Komunista sa ikinakasa nilang bilateral ceasefire upang ganap na maipagpatuloy ang peace talks.
Peace advocates
Pinapurihan ng iba’t ibang peace advocates ang muling pag-usad ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng komunistang grupo.
Ito’y makaraang ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtugis sa mga rebelde na maka-ilang ulit na sumalakay sa puwersa ng mga sundalo kamakailan na nag-resulta sa pagkasawi ng mga ito.
Ayon kay Fr. Joel Tabora, Pangulo ng Ateneo de Davao University, nagpapasalamat sila sa Diyos sa muling pagpapatuloy ng peace talks at umaasa silang wala nang buhay pa ang malalagas sa magkabilang panig.
Ganito rin ang pag-asa ng community based organization na Balay Mindanaw na nagsabing may dahilan ang sambayanang Pilipino para magdiwang para sa pagtatamo ng ganap at pangmatagalang kapayapaan sa bansa.
By Jaymark Dagala | Report from Jonathan Andal (Patrol 31)
*cpp website