Pinalalagay sa full alert ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Guillermo Eleazar ang status sa lahat ng police offices at units ng pulisya.
Ito’y makaraang mapatumba ng pinagsanib na puwersa ng Militar at Pulisya ang 4 na miyembro ng Abu Sayyaf sa Jolo, Sulu kabilang na ang kapatid ni ASG Leader Mundi Sawadjaan na si Al-Al.
Ayon kay Eleazar, malaki ang posibilidad na gumanti ang mga bandido lalo’t kapatid ng pinuno nito ang napaslang sa huling engkuwentro.
Maliban sa kapatid ni Sawadjaan, napatay din sa ilang minutong bakbakan ang Sub Leader ng mga bandido na si Injam Yadah, isang nakilala lang sa alyas na Raup at isang hindi pa natukoy na miyembro ng grupo.
Dahil dito, sinabi ng PNP Chief na magkatuwang ang Pulisya at Militar sa pagkakasa ng pagtugis laban kay Mundi at iba pang kasapakat nito.
Habang hinimok naman ng PNP Chief ang publiko na laging naka-alerto at agad isumbong sa kanila kung mayruon silang hawak na impormasyon para pamabilis ang ginagawa nilang pagtugis.—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)