Nanganganib na ma-delay pa ng mahigit isang taon ang pagsisimula ng operasyon ng Mislatel bilang ikatlong telco ng bansa.
Babala ito ni Information Communications Technology Secretary Eliseo Rio sakaling mabigo ang Senado na aksyunan ang post evaluation ng Mislatel bago matapos ang 17th Congress.
Ayon kay Rio, walang magagawa ang Mislatel kundi antayin ang 18th Congress upang makakuha ng approval o rejection, na nangangahulugang pagkabinbin pa rin ng kanilang operasyon.
Sakali aniyang rejection ang makuha ng Mislatel, magsasagawa uli ng bidding ang DICT.
Gayunman, kung maaprubahan naman sila ng Senado, makukuha na ng Mislatel sa DICT ang kanilang permit to operate at frequency sa loob ng labing limang (15) araw at maaari na silang magsimula ng operasyon.
Batay sa pagtaya ni Rio, posibleng abutin pa ng sampung buwan bago tuluyang maka-arangkada at makakuha ng subscribers ang Mislatel.
“Kailangan silang mag-certification from SEC na wala silang nilalabag na batas especially ‘yung anti-dummy law, marami ‘yan at ang pinaka-importante kailangan nilang makuha ang approval ng Kongreso na ‘yung prangkisa ng Mislatel ay mapapapunta sa consortium, ‘yan ngayon ang pinag-uusapan sa Congress, sa House of Representatives ay okay na, nakuha na nila ang approval ng Lower House, ito ngayon ay inakyat na sa Senate at dito na nagde-debate ngayon.” Pahayag ni Rio
(Balitang Todong Lakas Interview)