Tuloy pa rin ang operasyon ng ‘Angkas’ hanggang sa ngayon.
Ito ay sa kabila ng pagpapatigil ng Land Transportation Franchising Regulatory Board o LTFRB sa operasyon ng nasabing motorcycle-based riding app noong nakaraang buwan dahil na rin sa kawalan ng tamang permit.
Pagbubunyag ni Ryan Rillera, Pangulo ng Taguig Spartan Motorcycle Group, ito ay sa pamamagitan ng paggamit ng text message at social media ng kanilang mga dating customer sa Angkas.
“Through text, tine-text kami ng mga dating customer namin sa Angkas, sine-save nila ang number at through social media nagpo-post din sila sa kahirapan ng transportasyon, alam naman natin kung gaano kahirap na sumakay at maipit sa traffic sa Metro Manila para lang makapasok. Kailangan naming makipagtulungan sa mga customer na umaasa rin sa amin, sila yung sumasakay eh, affordable kaya tinatangkilik.” Ani Rillera
“Sideline-sideline ang mga motor riders ngayon, kung may kumo-contact through text, through Facebook, ganun ang sistema, kaya hindi natigilan, andiyan pa rin, gusto ba natin lahat ng tao pumila na lang? heto na nga ang sistema na ibinibigay ng Angkas.” Pahayag ni Rillera
Ayon kay Rillera bigong pagbigyan ng LTFRB ang hiling sana nilang agad na pag-aralan ang pagpapabalik sa Angkas operation ngayong panahon ng Kapaskuhan.
“Ang sabi lang po pag-uusapan at magkakaroon ng diyalogo ngayong Enero, dumulog na po rin tayo sa Kongreso, sana tulungan naman kami kasi tayo po dapat ang binibigyan ng magandang serbisyo ng pamahalaan.” Ani Rillera
Dagdag ni Rillera malakas pa rin ang demand ng publiko sa Angkas dahil bukod sa iwas-traffic na ay mura pa kasabay ng pag-tiyak na ligtas ang pagsakay sa kanilang mga motor.
“Karamihan ng mga nasasakay namin ay may mga sariling kotse pa eh, hindi na nagdadala ng sariling kotse, nag-aangkas na lang kasi yung bayad sa parking, sa gasolina, ibabayad na sa Angkas, ganun lang kamura. Dito kilala mo ang driver, wala naman itong pagkakaiba sa Grab at Uber, kapag nagkamali kami sinu-suspend din kami, hindi kami basta-basta, any complaint ng customer ay hahatulan kami agad ng opisina. Kung sino man ang maaksidente, rider o driver man, sinasagot po yan ng Angkas.” Paliwanag ni Rillera
Iginiit ni Rillera na sana ay mapakinggan din sila ng gobyerno.
“Sana pag-isipan lahat, itong Angkas puwede naming gawing solusyon sa traffic, sana pag-aralan natin ang Angkas app, diyan makikita natin na mas makakatulong ito, karamihan naman ng four-wheel ay nag-aangkas din po o carpooling.” Ani Rillera
Sa kabuuan ayon kay Rillera ay aabot sa 15,000 ang mga Angkas rider kasama na ang sa Metro Manila at sa Cebu.
(Ratsada Balita Interview)