Dapat na magsilbing hamon sa ibang transport operators ang pagpasok ng grab car na siyang papayagan ng Manila international Airport Authority (MIAA) na mag-operate sa paliparan simula sa Lunes, March 14.
Ayon kay Gen. Vicente Guerzon, Senior Assistant General manager ng MIAA, dapat tanggapin ng mga transport operator at driver na iba na ang panahon at ibayong serbisyo ang kinakailangan sa paliparan.
Sa kabila nito, hindi pa malinaw sa ngayon kung sisingilin sa pasahero ang babayaran ng grab sa MIAA.
Sa kasalukuyan, mas mataas ang singil ng transport concessionaire kumpara sa regular taxi.
Una rito, pinayagan na nga ng MIAA ang Grab car na maghatid at kumuha ng mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa kasunduang nilagdaan ng MIAA at Grab, tanging ang mga pribabong sasakyan lamang ng nasabing app-based transport system ang pinapayagan sa NAIA.
Nananatiling off limits ang mga grab taxi sa airport.
Ayon kay MIAA Spokesperson Dave de Castro, nasa estado pa ng eksperementasyon ang pagpayag sa Grab na mag-operate sa NAIA.
Samantala, papayagan din umano ng MIAA ang Uber, na siyang karibal ng Grab, na maghatid at mag-pick up ng mga pasahero doon sa oras na maisaayos nito ang akreditasyon.
By Avee Devierte | Meann Tanbio | Raoul Esperas (Patrol 45)