Tiniyak sa publiko ng Department of Information and Communications Technology o DICT na magsisimula na sa darating na Marso ang operasyon ng ikatlong telecommunication company.
Ito’y kasunod ng naging kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat nang tuldukan ang matagal ng ‘duopoly’ sa industriya ng telekomunikasyon sa bansa.
Ayon kay DICT Officer-in-Charge (OIC) Eliseo Rio Jr., sa loob ng tatlong (3) buwan matatapos na nila ang binubuong terms of reference para sa pagpili ng ikatlong telecommunication company na magsisimulang mag-operate sa buwan ng Marso.
Una nang sinabi ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar, na ang China Telecom Corporation Limited ang third player na papasok sa telecommunications industry ng bansa.
1-year validity ng prepaid loads
Pinagbigyan ng DICT ang kahilingan ng mga telecommunication companies na anim (6) na buwan na palugit para maipatupad ng mga ito ang one-year validity ng lahat ng prepaid loads kabilang na ang mga P300.00 pababa.
Ayon kay DICT Officer-in-Charge (OIC) Eliseo Rio Jr., ibinigay nila ang 6-month grace period para bigyan ng panahon ang mga Telco na makapag-adjust ng kanilang software.
Mahaharap aniya sa parusa ang mga hindi susunod sa naturang panuntunan.
Dagdag pa ni Rio, kung tutuusin ay mahaba na ang anim na buwan.
Kung tunay aniyang walang ‘duopoly’ sa telekomunikasyon, dapat mag-unahan ang dalawang Telcos na ipatupad ang one-year validity bilang sila ang magkakompetensya sa naturang industriya.