Balik na sa normal ang operasyon ng Iloilo International Airport.
Kasunod na din ito ng isinagawang clearing operations matapos mag-overshoot noong Biyernes ng gabi ang isang eroplano ng Cebu Pacific.
Dahil sa pag-overshoot ng nasabing eroplano, mahigit isandaang (100) domestic at international flights ang nakansela at na-divert ang ilang pasahero sa Roxas at Cebu airports.
Umusad na ang imbestigasyon sa pag-overshoot ng Cebu Pacific sa Iloilo airport na naging dahilan para maparalisa ang operasyon ng airport mula noong Biyernes.
Ayon kay Eric Apolonio, Spokesman ng Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP, nakatakda nilang ipadala sa Singapore ang flight data recorder ng eroplano upang maanalisa ang naging dahilan ng paglampas nito sa runway na naging dahilan para mabalaho ang gulong ng eroplano sa putikan.