Inanunsyo ng Manila International Airport Authority (MIAA) na magbabalik operasyon na ang mga international flights sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Ayon sa MIAA, matapos na ipatupad ang temporary closure nito noong March 28, sa wakas muli na umanong magbubukas ang pintuan ng NAIA Terminal 3 para sa mga international flight operations, simula 12:01 ng madaling araw ng July 8, 2020.
Una nang inilipat noong Marso sa Terminal 1 ang mga international airlines ngunit magbabalik na umano ang mga ito sa NAIA Terminal 3, bukas, araw ng Lunes.
Kabilang sa mga foreign airlines na pinapayagan nang lumapag at lumipad sa NAIA Terminal 3 simula Hulyo 8 ay ang All Nippon Airways, Air Aisa Berhad, Cathay Pacific, Emirates (EK), KLM Royal Dutch Airlines (KLM), Qatar Airways (QR), Singapore Airlines (SQ), at Turkish Airlines (TK).
Nananatili namang suspendido ang international operations ng iba pang airline carriers na naka-assign din sa Terminal 3 tulad ng Cebu Pacific, Delta Air, Qantas Airways, at United Airlines.
Patuloy namang gagamitin ng Philippine Airlines (PAL) ang NAIA Terminal 2 para sa kanilang mga international arrival flights.
Habang sa NAIA Terminal 1 naman ang international departures ng PAL.
Wala namang magiging pagbabago sa mga airlines na dati nang naka-assign sa NAIA Terminal 1.
Ilan din sa mga foreign carriers sa manila ang tumutulong sa bansa sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga repatriation flights service.
Patuloy namang isasara ang NAIA Terminal 4 hangga’t wala pang utos na muli ito buksan.
Nasa Terminal 3 naman ang domestic flight operations ng Cebu Pacific (5J), CebGo (DG), Philippines Air Asia (Z2), at Air Swift (T6), habang sa NAIA Terminal 2 naman ang Philippine Airlines (PR) at PAL Express (2P).