Magiging 24/7 na ang operasyon ng libreng sakay sa Edsa Busway simula December 15 hanggang December 31,2022.
Ito ang inihayag ni Department of Transportation Secretary Jaime Bautista sa katatapos na Land Transportation Office Regional Directors Conference 2022 na ginanap sa Luxent Hotel sa Quezon City.
Sa kasalukuyan, ang mga pasahero ng edsa busway ay maaari lang sumakay nang libre mula alas-kwatro ng umaga hanggang alas-onse ng gabi.
Sinabi pa ng kalihim na pagkakasyahin na lamang hanggang sa katapusan ng taon ang 1.4 billion pesos na pondo para sa libreng sakay.
Ito aniya’y dahil hindi nakasama sa National Expenditure Program (NEP) ang Libreng Sakay Program para sa taong 2023 na isinumite ng Department of Budget and Management (DBM) sa kongreso.
Samantala, nanawagan si Bautista sa kongreso na kung mabibigyan pa rin ng pondo ang naturang programa ay ipagpapatuloy nila ito kahit sa limitadong panahon lamang.
Pero kung hindi, magpapatuloy pa rin aniya ang operasyon sa edsa busway ngunit kinakailangan nang magbayad ng mga pasahero.