Balik na sa normal ang operasyon ng LRT line 2 simula kaninang 4:30 ng umaga.
Ito ay matapos na limitahan ang biyahe ng mga tren mula Santolan hanggang Cubao at pabalik lamang kahapon para bigyang daan ang pagkukumpuni sa mga nasunog na power cables, telecommunication at signaling fiber optics ng LRT.
Ayon sa LRTA o Light Rail Transit Authority, Sabado ng gabi nang sumiklab ang apoy malapit sa Pureza station bunsod ng pagkasunog ng isang junction box ng LRT matapos na tamaan ng kidlat.
Sinabi naman ni LRTA Administrator General Reynaldo Beroya na kanya nang inatasan ang engineering team na magsagawa ng masusing pag-iinspeksyon at pagsusuri sa mga pasilidad at kagamitan ng LRT line 2 para maiwasang maulit ang katulad na insidente.