Nag-abiso ang pamunuan ng LRTA o Light Rail Transit Authority sa publiko hinggil sa pinaikli nilang operasyon.
Ito’y para bigyan ng pagkakataon ang mga kawani ng LRT line 1 at 2 na makapagdiwang ng pasko at bagong taon.
Sa LRT line 1, alas 4:30 ng umaga magsisimula ang operasyon nito simula bukas, Disyembre 24-28 mula Baclaran patungong Roosevelt at pabalik.
Gayunman, alas 8:00 ng gabi ang huling biyahe ng mga tren nito sa Baclaran at Roosevelt bukas, Disyembre 24.
Sa araw ng pasko, Disyembre 25, alas 9:35 ng gabi ang huling biyahe ng tren mula Baclaran hanggang Roosevelt habang alas 9:45 naman aalis ang tren mula Roosevelt patungong Baclaran.
Mula Disyembre 26-28 naman, eksaktong alas 10:00 ng gabi aalis ang mga tren mula Baclaran patungong Roosevelt habang alas 10:15 naman aalis ang tren mula Roosevelt patungong Baclaran.
Samantala, mapapaaga naman sa alas 8:00 ng gabi ang huling biyahe ng LRT line 2 mula Santolan hanggang Recto bukas, Disyembre 24 habang alas 8:30 naman ng gabi ang huling biyahe mula Recto patungong Santolan.
7:00 naman ng gabi ang huling biyahe ng LRT 2 sa Disyembre 31 mula Santolan patungong Recto habang 7:30 naman ng gabi ang huling biyahe ng tren mula Recto patungong Santolan.