Balik normal na ang operasyon ng mga airline sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ito’y makaraang buksan na sa mga commercial flight ang Runway 06-24 na nakitaan ng bitak kahapon.
Dakong alas -10:45 kagabi nang matapos ang asphalt overlay sa bahagi ng runway.
Ayon kay Consuelo Bungag, officer-in-charge ng Public Affairs Division ng MIAA, habang pasado alas-11:00 nang magsimulang lumapag ang ilang international at domestic flights.
Humingi naman ng paumanhin si Bungag sa mga pasahero ng mga naapektuhang flight.
Asphalt overlaying
Idinepensa naman ng pamunuan ng Manila International Airport Authority o MIAA na normal lamang na may inaaayos sa runway ng NAIA sa loob ng apat hanggang limang taon.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni MIAA General Manager Ed Monreal na batay kasi sa recommended practices ng IATA o International Air Transport Association ay kailangang magsagawa ng regular na ‘overlaying’ ng aspalto.
Gayunman, sa kabila ng idinulot na abala sa pagsasara ng bahagi ng main runway, pinag-aaralan pa rin ni Monreal kung kailangang imbestigahan ang sinasabing mahinang materyales na inilagay dito.
Nilinaw naman ng opisyal na balik na sa normal ang operasyon simula pasado alas-9:00 kagabi.
By Drew Nacino | Raoul Esperas (Patrol 45) | Jelbert Perdez | Ratsada Balita