Dala ng pinangangambahang local transmission ng mas nakakahawang Omicron variant at ang mabilis na pagtaas ng kaso ng COVID-19, balik-alert level 3 ang Metro Manila ngayong Lunes hanggang a-kinse ng Enero.
Bawal muli ang face-to-face classes para sa basic education, contact sports, peryahan at mga establisimyento na may live voice at wind instruments.
Hindi rin puwede ang operasyon ng mga casino, karera ng kabayo, mga betting shops at sabungan, maliban na lamang sa mga nauna nang pinayagan ng Office of the President.
Samantala, papayagan naman ang maximum na 30% indoor venue capacity para sa mga fully vaccinated at 50% outdoor venue capacity ang operasyon ng mga establisimyento sa mga lugar na nasa alert level 3.
Naniniwala naman ang Department of Trade and Industry (DTI) na hindi gaanong magiging malaki ang epekto ng muling pagbabalik ng Metro Manila sa alert level 3 ngayong pinapayagan pa rin namang mag-operate ang marami sa mga negosyo.—sa panulat ni Mara Valle