May go signal na mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pag-arangkada ng mga motorcycle taxi sa Central Luzon at Calabarzon o mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon.
Hanggang nitong Mayo, pinayagan ng LTFRB ang 8,000 slot para sa apat na MC taxi operators para mag-operate sa labas ng Metro Manila.
Saklaw ito ng regulasyon ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno at ng motorcycle taxi technical working group.
Ayon kay LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III, ang hakbang na ito ay para ma-serbisyuhan ang dumaraming mga pasahero habang tinitiyak na nakakasunod ang MC taxis sa safety standards.
Matatandaang aprubado na sa Kamara ang house bill 10424, o ang panukala na nagbibigay-daan sa mga motorsiklo para maging mode of transportation ng publiko, ngunit hindi pa naipapasa ng Senado ang bersyon nito.