Kinilala na ng militar ang dayuhang terorista na kabilang sa tatlong Abu Sayyaf member na napatay sa pakikipag-sagupaan sa militar sa Patikul, Sulu.
Ayon kay Lt. Col. Gerald Monfort, spokesman ng Joint Task Force Sulu, napatay si alyas ‘Abu Black’ habang tinutugis ng mga miyembro ng 5th Scout Ranger Battalion sa Sitio Sungkogin, Barangay Kabbon Takas.
Gayunman, hindi pa anya nila matukoy kung saang bansa nagmula si Abu Black.
Bukod sa tatlong napatay na terorista, limang sundalo naman ang nalagas sa hanay ng gobyerno habang 13 pang bandido ang nasugatan.
Patuloy na pinauulanan ng bomba ng militar ang mga posisyon ng bandidong grupo na pinangungunahan ng isang Hatib Hajan Sawadjaan.
Sinasabing sangkot si Sawadjaan sa magkasunod na pambobomba sa Our Lady of Mount Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu na ikinasawi na ng mahigit 20 katao noong Enero 27.