Pupusan ang ginagawang pagtugis ng Armed Forces of the Philippines o afp sa grupong nasa ilalim ng pamamahala ni Abu Sayyaf Leader Radullan Sahiron sa lalawigan ng Sulu.
Ito’y makaraang makasagupa ng mga tropa ng 5th Scout Ranger Battalion ng Joint Task Force Sulu ang nasa 30 bandido sa Sitio Bunga, Brgy. Pansul sa bayan ng Patikul.
Ayon kay Joint Task Force Sulu Commander M/Gen. William Gonzales, nagsitakas ang mga bandido bitbit ang kanilang sugatang kasama matapos ang 30 minutong bakbakan.
Nakuha naman ng mga sundalo sa encounter site ang M60 link ammunition, cellphones, bigas, gasolina, mga gamit panluto at mga backpack na naglalaman ng personal na gamit ng mga kalaban.
Binarikadahan naman ng 102nd infantry brigade ng Philippine Army ang mga posibleng daanan ng mga nagsitakas na bandido.
Una nang tiniyak ni Lt/Gen. Corleto Vinluan Jr, commander ng Western Mindanao Command (WesMincom) na kanilang paiigtingin ang operasyon laban sa mga bandido upang matiyak na ligtas at mapayapa ang pagdiriwang ng Pasko.