Inirekomenda ng senate public services committee ang pagpapatigil sa operasyon ng Private Motor Vehicle Inspection Center (PMVIC).
Batay ito sa inilabas na report ng committee on public services na pinamumunuan ni Senador Grace Poe kasunod ng kanilang isinagawang imbestigasyon sa kontrobersiyal na PMVIC.
Ipinababasura din ng mga senador ang department order number 2018 – 19 at lahat ng inisyung kautusan ng Department of Transportation (DOTr) hinggil sa pagbibigay sa pribadong sektor ng motor vehicle inspection.
Ayon sa committee report, kuwestiyunable ang legalidad ng pagbibigay awtoridad sa mga pribadong kumpanya na inspeksyunin ang roadworthiness ng mga sasakyan.
Minadali rin anila ang pagpapatupad ng kautusan ng DOTr dahil sa kawalan ng sapat na konsultasyon at transparency sa pagbibigay ng accreditation ng mga private motor vehicle inspection centers.
Dahil dito, inirekumenda rin ng komite ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng senate blue ribbon committee sa umano’y highly anomalous na accreditation ng PMVIC.
Ang report ay nilagdaan rin nina Senators Bong Revilla, Manny Pacquiao, Win Gatchalian, Nancy Binay, Joel Villanueva, Kiko Pangilinan, Risa Hontiveros, Ralph Recto, Migz Zubiri at Franklin Drilon.