Suspendido ang operasyon ng punong tanggapan ng Department of Justice (DOJ) matapos na mag-positibo sa COVID-19 ang ilang mga empleyado nito.
Sang-ayon sa kautusan ni Justice Secretary Menardo Guevarra, kasabay ng suspensyon sa paggawa sa kanilang ahensya, ipatutupad din ang lockdown dito mula Marso 19 hanggang Marso 23.
Mababatid na sa datos ng ahensya, naitala nito ang 17 active cases ng COVID-19 sa kanilang hanay, habang isa sa kanilang empleyado ay nasawi sa virus.
Bukod sa DOJ, inanunsyo rin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na kanilang ilalockdown ang tanggapan sa Quezon City Simula Marso 19 hanggang sa Marso 21 dahil din sa pagdapo ng virus sa kanilang mga empleyado.
Samantala, kapwa naman sinabi ng DOJ at DSWD na habang nakalockdown ang kanilang mga tanggapan ay bibigyang daan nito ang maigting na disinfection at sanitation sa mga gusali nito para masugpo ang banta ng COVID-19.