Hindi muna matutuloy ang nakatakda sanang merger o pagsasanib ng mga transport network vehicle service na Uber at Grab ngayong araw.
Ayon sa PCC o Philippine Competition Commission, ito’y dahil sa patuloy pa ring iniimbestigahan ng komisyon ang di umano’y virtual monopoly sa TNVC o Transport Network Vehicle Company.
Ayon kay PCC chairman Arsenio Balisacan, tiwala silang kaya pang mag-operate ng uber sa bansa kahit pa sinabi na nito na lumabas na sila sa Southeast Asian market.
Giit pa ni Balisacan, hindi naman talaga lalabas ng tuluyan sa bansa ang uber sa halip ay sasanib lamang ito sa Grab kaya’y may porsyento pa rin ito sa kita.
Nangangamba rin si Balisacan na malalagay sa balag ng alanganin ang mga pasahero dahil sa naka-ambang monopolyo ng Grab.
LTFRB, binabantayan ang nakatakdang pagkalas ng Uber
Handa naman ang LTFRB o Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa anumang banta ng monopolyo ng Grab.
Ito’y kasunod ng nakatakda sanang pag-alis ng Uber sa Pilipinas ngayong araw gayundin ang pakikipagsanib nito sa dating kakumpitensyang Grab.
Ayon kay LTFRB board member Atty. Aileen Lizada, hindi masisisi ang Grab sa pag-tigil ng operasyon ng Uber pero mayroon namang pagpipilian ang mga apektadong Uber partners.
Maaari naman aniyang sumali sa Grab ang mga apektadong Uber drivers o hintayin na lamang ang apat na iba pang bagong ride hailing app.
Kaugnay niyan, sinabi rin ni Lizada na mayroon silang nakalatag fare structure sa grab kaya’t hindi ito basta-basta makapagtataas ng pasahe.
Dagdag pa ni Lizada, paso na ang accreditation ng Uber kaya’t nagtataka siya kung sino na ngayon ang sasagot sa mga reklamo kung nag-aalisan na ang mga empleyado nito.