Ganap nang naibalik sa normal kahapon ang suplay ng kuryente sa VMMC o Veterans Memorial Medical Center sa Quezon City.
Ito’y matapos makaranas ng 24 oras na brownout ang nasabing ospital nang mabagsakan ng isang malaking puno ang dalawang poste ng Meralco sa lugar noong Biyernes.
Ayon kay VMMC Director Dr. Dominador Chiong Jr, pasado 8:00 ng umaga ng Biyernes nang mawala ang suplay ng kuryente at inabot pa ng alas 10:00 ng gabi bago dumating ang pamalit na poste ng Meralco.
Dahil dito, lubhang naapektuhan ang serbisyo ng nasabing ospital partikular na ang ICU, emergency room, laboratories at dialysis center ng VMMC.
Nagpasalamat naman si Dr. Chiong sa AFP o Armed Forces of the Philippines na nagpadala ng dagdag na mga generator sets dahil sa hindi na kinakaya ng kanilang generator ang laki ng demand sa kanilang ospital.