Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na kanilang ginagawa ang lahat para mailigtas nang buhay ang dinukot na British national at kanyang asawang Pinay sa Zamboanga Del Sur noong nakaraang linggo.
Ayon kay AFP Chief of staff Lt. General Noel Clement, patuloy ang kanilang ikinasang operasyon para matunton ang kinaroroonan ng mga biktimang sina Allan at Wilma Hyrons.
Gayundin aniya ang pagkakakilanlan ng grupo ng mga armadong lalaking bumihag sa mag-asawa lalo’t wala pang umaako sa insidente.
Batay sa impormasyon ng Police Regional Office Zamboanga, magkahiwalay na isinakay sa bangka ang mag-asawa sa mga direksyon patungong Lanao Del Norte at Pagadian City. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)