Itinanggi ng militar ang lumabas na ulat na may naaresto na silang suspek sa pagdukot sa mag-asawang Briton at Pinay na sina Allan at Wilma Hyrons sa Zamboanga Del Sur.
Sa ipinalabas na pahayag ng tagapagsalita ng joint task force Hyrons, kanilang iginiit na nagpapatuloy pa rin ang kanilang operasyon para mailigtas ang mag-asawang Hyrons.
Gayundin, wala pa rin silang nadadakip na mga salarin habang patuloy din ang kanilang pagsisikap para matunton at malansag ang mga ito.
Kaugnay nito, tumanggi namang magbigay ng detalye ang joint task force Hyrons hinggil sa kanilang ikinasanag operasyon para hindi malagay sa alanganin ang buhay ng mag-asawa at ng militar.
Magugunitang dinukot ng mga armadong kalalakihan ang mag-asawang Hyron habang nagpapahinga sa kanilang beach resort sa barangay Alindahaw sa Tukuran Zamboanga Del Sur noong nakaraang linggo.
Una na ring naglabas ng composite sketch ng dalawang suspek ang mga otoridad habang nag-alok na rin ng P1-M pabuya ng Zamboanga Del Sur government para sa pagkakaaresto ng mga ito.