Tuloy ang operasyon laban sa ISIS – Maute Group sa Marawi City sa kabila ng pagdiriwang ng Eid’l Fitr o pagtatapos ng banal na buwan ng Ramadan sa Lunes, Hunyo 26.
Ayon kay AFP o Armed Forces of the Philippines Spokesman Brig. General Restituto Padilla, hindi ititigil ang pag – atake sa mga Maute upang hindi sila mabigyan ng pagkakataon na makapagpalakas pa ng puwersa.
Aniya, sakaling ihinto ang operasyon ay mapuputol ang momentum ng mga sundalo na tapusin na ang gyera sa Maute.
Sa kabila nito, paiigtingin naman ang seguridad sa mga Mosque at iba pang mga pangunahing lugar upang masiguro ang seguridad ng mga magdiriwang na Muslim.
40 dayuhang terorista tinutugis na
Tinutugis na ng Armed Forces of the Philippines ang 40 dayuhang terorista na nakapasok sa bansa.
Ayon kay Brig. General Gilberto Gapay, Deputy Commander at tagapagsalita ng Martial Law for Eastern Mindanao Command, karamihan sa mga ito ay Malaysian, Indonesian, Arabian at Pakistani.
Hindi malayong dumaan ang naturang mga dayuhan sa back door para makapasok sa bansa.
Kaugnay nito, hinigpitan na ang seguridad sa mga pantalan at paliparan upang hindi nalusutan ng naturang mga terorista.
By Rianne Briones