Binawasan na ng Metro Rail Transit-3 ang kanilang operating hours upang magbigay daan para sa mas mahabang oras ng maintenance sa gitna ng sunud-sunod na technical problem.
Ayon kay Mike Capati, director for operations ng MRT, simula ngayong araw ay aagahan na ang biyahe ng tren upang magkaroon ng karagdagang kalahating oras para sa maintenance.
Magtatapos naman ang biyahe alas 10:30 ng gabi, sa halip na alas 11:00.
Sa kabila ng panibagong aberya kung saan kumalas ang bagon kahapon, tiniyak muli ni Capati na ligtas sakyan ang MRT kahit luma na ang karamihan sa kanilang tren.
Panibagong aberya sa MRT 3 posibleng sinadya
Posibleng sinadya ang panibagong aberyang naranasan ng mga pasahero ng MRT-3 matapos ang pagkalas ng isa sa mga bagon 3 sa pagitan ng Ayala at Buendia stations, Makati City, kahapon.
Ayon kay Roel Jose, isa sa mga rolling stock specialist ng MRT-3, nagtataka sila kung paano naghiwalay ang dalawang bagon gayong wala naman silang nakitang electrical fault o mechanical fault.
Pero kung paano nangyari at sino ang posibleng may gawa nito ay hindi pa nila ito masasabi.
Ipinaliwanag naman ni Mike Capati, director for operations ng MRT na patuloy ang kanilang imbestigasyon at tiniyak na gagawin nila ang lahat upang maibalik sa normal ang operasyon.