Ipinatitigil ng ilang grupo ang pagbabaklas ng Commission on Elections (COMELEC) ng campaign posters at materials sa private properties.
Ito ang panawagan ng mga Grupong Women Lawyers for Leni, Lawyers Against Disinformation, Filipino-American Human Rights Alliance, Sandigan ng Mag-Aaral para sa Sambayanan at Now You Vote.
Ayon sa mga nabanggit na grupo, undemocratic at unconstitutional ang ginagawa ng COMELEC lalo’t hindi naman maaaring i-regulate ng poll body ang mga private property nang walang batas.
Tanging requirement anila sa pagkakabit ng campaign materials sa private properties ay ang pahintulot ng mga property owner.
Tinukoy din nila ang January 2015 ruling sa Diocese of Bacolod versus COMELEC at March 1992 decision sa Adiong versus COMELEC, na nagsasabing hindi na saklaw ng kapangyarihan ng poll body ang mga campaign materials, kahit anong sukat na nakapaskil sa private properties at volunteer headquarters.
Iginiit din ng mga naturang grupo na panghihimasok o trespassing ang ginagawa ng COMELEC sa private properties.
Simula kahapon ay inilarga ng poll body ang operation baklas na layuning tanggalin ang mga campaign posters at materials na oversized o nakapaskil sa mga ipinagbabawal na lugar.