Pansamantalang sinuspinde ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang operasyon ng Lite Air Express na siyang operator ng bumagsak na eroplano sa paliparan ng Plaridel, Bulacan.
Ito’y ayon sa CAAP ay habang hinihintay pa ang resulta ng ginagawa nilang imbestigasyon hinggil sa insidente na ikinasawi ng sampu kabilang na ang limang piloto at ang mag-anak na nabagsakan ng eroplano.
Hustisya naman ang sigaw ng pamilya ng mga nasawi at hiniling ng mga ito na papanagutin ang sinumang mapatutunayang nagpabaya kaya nangyari ang naturang trahedya.
Kahapon, nagdeklara ng day of mourning ang pamahalaang bayan ng Plaridel para alalahanin ang pagkamatay ng sampung biktima ng pagbagsak ng eroplano sa Barangay Lumang Bayan.
Pinatunog ang kampana sa Parokya ng Santiago Apostol, inilagay sa half mast ang watawat sa harap ng munisipyo at nagsuot ng itim ang mga kawani nito upang makiisa sa pagdadalamhati ng mga pamilya ng nasawi.