Tinanggal sa kanilang serbisyo ang isang opisyal at limang jail guards sa Maximum Security Compound ng New Bilibid Prison makaraang makatakas ang apat na preso nito lamang Lunes, January 17.
Sa pahayag ni Bureau of Corrections (BuCor) Spokesperson Gabriel Chaclag, sinibak sa puwesto si Superintendent Arnold Guzman maging ang limang jail guards na posibleng kasabwat sa nangyaring jail break sa Muntinlupa City.
Kinilala ang mga presong tumakas na sina Pacifico Adlawan, Arwin Bio, Chris Ablas at Drakilou Falcon, na pawang may mga kaso ng robbery at pagpatay.
Matatandaang sa ikinasang operasyon ng mga otoridad, napatay sina Adlawan at Bio, makaraang manlaban habang patuloy pang pinaghahanap sina Ablas at Falcon. —sa panulat ni Angelica Doctolero