Simula na ngayong araw ang campaign sorties ng iba’t ibang mga kakandidato sa pambansang posisyon bilang hudyat ng opisyal na pagsisimula ng campaign period para sa May 9 presidential elections ngayong taon.
Alas-8:00 ng umaga, nakatakdang ilunsad nila Vice President Jejomar Binay at katambal nitong si Senador Gringo Honasan ang kanilang kampaniya sa Welfairville Compound sa Mandaluyong City.
Alas-10:00 ngayong umaga naman, ilalarga nila administration bet Mar Roxas at running mate nitong si Camarines Sur Rep. Leni Robredo ang kanilang kampaniya sa Roxas City sa lalawigan ng Capiz.
Alas-4:00 naman mamayang hapon isasagawa ng tambalan nila Senadora Grace Poe at Senador Chiz Escudero ang kanilang kampaniya sa Plaza Miranda.
Sa Batac, Ilocos Norte naman napiling simulan ang kampanya ng tambalan nila Senadora Miriam Defensor Santiago at Senador Bongbong Marcos ngayong umaga.
Habang sa Tondo, Maynila naman isasagawa ng tambalan nila Davao City Mayor Rodrigo Duterte at Senador Alan Peter Cayetano ang kanilang kampanya ganap na alas-8:00 mamayang gabi.
Campaign for local bets
Magsisimula naman ang campaign period para sa mga lokal na kandidato sa Black Saturday, Marso 26, at hindi sa Good Friday, Marso 25.
Tinukoy ni Election Lawyer Romulo Macalintal ang COMELEC Resolution Number 9981 na inisyu noong August 18, 2015 kung saan nakasaad na magsisimula ang opisyal na pangangampanya para sa local positions sa March 25.
Gayunman, sinabi ni Macalintal na nataon na Good Friday ang March 25 kaya’t malamang ay ipagpaliban ito.
Giit ni Macalintal, sa ilalim ng Section 5 ng Republic Act Number 7166, ipinagbabawal ang pangangampanya sa Huwebes Santo at Biyernes Santo.
By Jaymark Dagala