Iniimbestigahan na ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang kanilang Quezon City district field unit head gayundin ang isang tauhan nito dahil sa mga alegasyon ng pangingikil.
Ito ang dahilan kaya’t ipinag-utos na ni CIDG director PBGen. Albert Ignatius Ferro sa CIDG-NCR ang agarang pagsibak kina PMaj. Merbern Bryan Lago na siyang pinuno ng nasabing yunit gayundin sa tauhan nito na si PSMSgt. Ruel Chu.
Sina Lago at Chu ay iniuugnay sa pangingikil ng 3 milyong piso kapalit ang kalayaan ni Adrian Dominic ang may-ari ng Ada farm agriventure na inaresto sa bisa ng warrant of arrest.
Nagkasa ng entrapment operation ang mga tauhan ng CIDG laban sa dalawa, subalit nabigo sila dahil sa kawalan ng complainant gayundin ang kakulangan sa koordinasyon.
Dahil dito, pinagpapaliwanag ng CIDG NCR sina Lago at Chu kaugnay ng naging akusasyon laban sa kanila habang inimbitahan din naman sa imbestigasyon si ang upang magbigay liwanag sa usapin.—sa panulat ni Rex Espiritu