Pinabulaanan ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang ulat na pinagsisigawan umano ng isang assistant labor attaché ng Pilipinas sa Saudi Arabia ang ilang mga Filipinong manggagawa na nawalan ng trabaho doon.
Ayon kay Bello, imposibleng masangkot aniya sa nabanggit na insidente ang tinukoy na opisyal dahil nag-positibo aniya ito sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Dagdag ni Bello, kasalukuyang naka-quarantine ang nabanggit na opisyal kasama ang pitong iba pang empleyado ng Philippine overseas labor office na nagpositibo rin sa COVID-19.
Samantala, sinabi ni Bello na nakikipag-ugnayan na ang pamahalaan sa dalawang kumpanyang makakatuwang nila para sa repatriation ng nasa apatnaraang mga Filipino sa Riyadh na nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.
Tiniyak din ng kalihim na regular na nakatatatanggap ng suplay ng pagkain at facemask ang mga nabanggit na Pinoy mula sa mga awtoridad.