Isang opisyal ng Department of Transportation ang pabor sa hamong mag-commute ang mga government official upang maintindihan ang dinaranas na traffic congestion ng libu-libong mananakay at motorista sa Metro Manila.
Ayon kay Transportation Undersecretary Mark De Leon, wala namang masama kung iwan nilang mga opisyal ng pamahalaan ang kani-kanilang sasakyan lalo’t makakukuha pa ito ng simpatya mula sa mga mananakay.
Gayunman, aminado si De Leon na hindi siya nakatitiyak kung makatutulong ang panukala ni Quezon City 2nd District Rep. Winston Castelo na maging epektibo silang mga opisyal.
Higit anyang kailangan ang isang policy-based approach tulad ng Public Utility Vehicle modernization program ng pamahalaan at iba pang solusyon.
Ipinunto ni De Leon na kahit hindi maghain ng bill ay karamihan naman sa mga government offficial ay nag-ko-commute at tiyak na minsan sa kanilang buhay ay nakaranas na sumakay ng mga pampublikong sasakyan.