Kasalukuyang nakapiit sa mababang kapulungan ng kongreso ang senior internal legal manager ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na si Atty. Rogelio Pocallan Jr.
Ito’y makaraang ma-cite for contempt ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga sa isinagawang pagdinig ng Kamara hinggil sa mga katiwalian sa nabanggit na ahensya.
Magugunitang sinabi ni Pocallan sa pagdinig ng Kamara na maaaring bawiin o baligtarin ng PhilHealth ang ibinabang desisyon ng Court of Appeals matapos ang talakayin ang kaso ng perpetual succor hospital sa Cebu.
Batay sa desisyon ng appellate court, guilty ang hatol nito laban sa nabanggit na ospital matapos palawigin ang period of confinement ng isang pasyente na labag sa PhilHealth law.
Nakasaad sa hatol na dapat mahaharap sa tatlong buwang suspensyon at multang P10,000 ang nabanggit na ospital subalit pinagmulta ito ng isandaang libong piso at binawi rin ng PhilHealth ang benepisyong ibinigay nito.
Sa pagtatanong naman ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta, inamin ni Pocallan na siya ang nagbaligtad ng desisyon ng CA laban sa perpetual succor kaya’t pina-cite ito for contempt.
Mananatiling nakapiit sa mababang kapulungan si Pocallan hanggang sa Lunes, Agosto 31 ng taong ito.