Sinibak sa puwesto ang brigade commander ng PNP Reactionary Standby Support Force o RSSF na si C/Supt. Ronald dela Rosa dahil sa umano’y pagiging partisan o pagkiling nito sa isang kandidato.
Ito’y makaraang lumabas sa social networking site na Facebook ang post ni dela Rosa na nagbabantang dudurugin ang sinumang mapatutunayang mandaraya ngayong darating na halalan.
Dahil dito, pansamantalang papalit kay dela Rosa si C/Supt.Francis Elmo Sarona bilang pinuno ng PNP RSSF epektibo ngayong araw.
Una rito, nagsilbi si dela Rosa bilang chief of police ng Davao City kung saan, residente rin siya rito bago maitalaga sa nilisan nitong puwesto.
PNP
Pinaiimbestigahan na ng pamunuan ng Philippine National Police o PNP kung mayroong pananagutang administratibo si Police C/Supt. Ronald dela Rosa.
Kasunod ito ng naging post ni dela Rosa sa Facebook na nakitaan ng umano’y pagkiling o pagiging partisan nito sa isang partikular na kandidato.
Paglilinaw naman ni Police Deputy Dir. Gen. Danilo Constantino, inilipat si dela Rosa sa national headquarters para magbigay ng orientation o seminar sa kanilang personnel na may kaugnayan sa eleksyon.
Tungkulin aniya ito ni dela Rosa bilang executive officer ng human resource and doctrine development o HRDD ng PNP.
Mariin namang itinanggi ni Constantino na ang naturang post ang siyang ugat ng pagkakasibak naman kay dela Rosa bilang brigade commander ng PNP RSSF.
By Jaymark Dagala | Jonathan Andal (Patrol 31)