Himas-rehas ngayon ang isang Police Lieutenant na miyembro rin ng PNP Drug Enforcement Group sa CALABARZON dahil sa mga kasong estafa at illegal gambling.
Kinilala ni CALABARZON PNP Regional Director, P/BGen. Antonio Yarra ang Pulis na si Lt. John Kevin Menes na dati nang ginawaran ng parangal dahil sa kampaniya kontra iligal na droga.
Batay sa ulat, naaresto si Menes habang naglalaro ng e-sabong sa isang Off-Cockpit Betting Station sa bahagi ng Ramon Magsaysay Blvd, Nagtahan sa Sta. Mesa, Maynila nitong Miyerkules.
Inireklamo si Menes ng kaniyang nabiktimang matapos tangayin ang sasakyan ng tauhang si Pat. Melvin Bojocan Barbo kung saaan ay nakuha pa itong isangla sa halagang 170,000 piso para lang italpak sa e-sabong.
Nang marekober ng Pulisya ang sasakyan, agad nagsampa ng kaso laban sa kaniya ang pinagsanlaan at duon din ay nabistong may pagkakautang pa si Menes sa e-sabong operator na nagkakahalaga ng 15 libong piso.
Maliban dito, nabatid ding under restrictive custody si Menes sa CALABARZON PNP Regional Headquarters sa Camp Vicente Lim matapos makadispalko ng buy-bust money na nagkakahalaga naman ng kalahating milyong piso. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)