Pinasususpindi muna ni Election Lawyer Atty. Romulo Macalintal ang pagpapatupad ng mga regulasyon hinggil sa malalaking campaign posters na kinakabit sa mga private property.
Ito ang laman ng sulat ni Macalintal sa COMELEC kung saan ang kahilingang pansamantalang suspensyon hanggang March 25 o pagsisimula ng campaign period para sa local candidates para mabigyan ng sapat na panahon ang COMELEC na marepaso ang mga regulasyon nito hinggil sa Oplan Baklas.
Kinuwestyon ni Macalintal ang pagbaklas ng illegal campaign posters sa mga pribadong lugar ng wala man lamang aniyang pasabi o pagdinig ..na malinaw na paglabag sa constitutional rights ng tao at due process.
Sinabi pa ni Macalintal na ang nilalaman ng Republic Act 9006 o Fair Election Act kaugnay sa election propaganda materials ay hindi applicable sa private persons o non candidates subalit sa mga kandidato at political parties lamang.
Binigyang diin ni Macalintal na may karapatan ang mga pribadong tao na ihayag ang kanilang idea o pananaw sa pamamagitan nang paglalagay ng campaign materials kahit pa galing sa mga kandidato sa kani-kanilang sariling pag-aari.